Pasado na sa ikalawang pagbasa ang panukalang ordinansa na nagsusulong ng community-based mental health programs dito sa Midsayap.

Ang proposed ordinance ay isinusulong ni Konsehal Chelin Monica “Tweety” J. Arańa, Chairperson of the SB Committee on Laws, Human Rights & Justice, katuwang ang SB Committee on Health & Nutrition na pinamumunuan naman ni Konsehal Vivencio V. Deomampo, Jr.

Sa idinaos na 104th Regular Session ng municipal council nitong Miyerkules, July 21, ay tinalakay ng SB members ang iba’t-ibang probisyong nakasaad sa ipinapanukalang batas pambayan.

Nakapaloob sa panukalang ordinansa ang pagbuo ng Municipal Mental Health Committee at Executive Committee upang itaguyod ang community-based mental health programs tulad ng mental health care delivery system, pagkakaroon ng psychosocial first aid team, mental health hotline, pagpapalakas ng Community-Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP), psychiatric service, temporary shelter facility at pondo para sa implementasyon ng mental health programs.

Sa ilalim din ng panukalang ordinansa ay isasailalim din sa training ang barangay health workers na magiging bahagi ng kanilang barangay mental health teams.

Nakatakda namang talakayin sa ikatlo at huling pagbasa ang proposed ordinance na nabanggit sa susunod na regular session ng Sangguniang Bayan.