Kabilang sa mga pangunahing prayoridad ng Lokal na Pamahalaan ng Midsayap ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan tungo sa kaunlaran.

Sa idinaos na Balik Baril Program nitong Martes, June 22, sa Social Hall, 3F Legislative Building, inihayag ni Vice Mayor Manuel Rabara na siyang kumatawan kay Mayor Romeo Arańa sa nasabing programa, na mahalaga ang pagtutulungan ng mga lider ng barangay, LGU Officials at peace keeping forces upang makamit ang inaasam na kapayapaan at kaunlaran dito sa bayan.

Kayo ay kasama ng ating gobyerno na nagtataguyod ng kapayapaan hindi lang dito sa ating bayan ngunit sa buong kapuluan. Dahil sa pagtutulungan ng mga leader sa barangay at lokal na pamahalaan ay makakamit natin ang kapayapaan at kaunlaran”, ayon kay Vice Mayor Rabara.

Nagpasalamat din ang bise-alkalde sa pagtugon ng mga punong barangay upang kumbinsihin ang kanilang mga kabarangay na isuko sa otoridad ang mga hawak nilang loose firearms.

Pinuri naman ni  Punong Barangay Alan Ry Mostrales, Liga ng Mga Barangay President at Ex-Officio SB Member, ang mga ginawang hakbang ng mga kapwa nito punong barangay upang maipatupad ang Balik Baril Program sa kanilang mga komunidad.

Kaugnay nito, inihayag ni Jesus Remus Laguting, Municipal Local Government Operations Officer, na puspusan rin ang kampanya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang buwagin ang mga private armed group na siya umanong nasa likod sa mga kaguluhan lalo na’t paparating na ang halalan.