Abot sa 18 mga armas ang isinuko ng mga sibilyan kasama ang kanilang barangay leaders sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes, June 22, bilang bahagi ng Balik Baril Program ng pamahalaan.

Ang aktibidad na idinaos sa Social Hall ng Legislative Building ay magkatuwang na pinangunahan ng 34th Infantry Batallion sa ilalim ng liderato ni Lt. Col. Edgardo Vilchez, Jr. at Midsayap Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Lt. Col. Rolly Oranza.

Dumalo sa programa sina Col. Rommel Gumiran, Deputy Brigade Commander ng 602nd Infantry Brigade bilang kinatawan ni Brig. Gen. Roberto Capulong, Jesus Remus Laguting, Municipal Local Government Operations Office, Alan Ry Mostrales, Liga ng Mga Barangay President at SB Ex-Officio Member, at Vice Mayor Manuel Rabara na siyang kinatawan ni Mayor Romeo Arańa.

Inihayag ni Col. Gumiran ang pasasalamat nito sa mga lider ng barangay at opisyal ng LGU Midsayap sa patuloy na pagsuporta sa programang ito.

This activity is very instrumental and will motivate others to surrender their loose firearms to the authorities. Sana ay magpatuloy ang ganitong activities dito sa Midsayap”, pahayag ni Col. Gumiran.

Sa kanyang mensahe, sinabi naman ni Police Lt.Col. Oranza na malaking hakbang ang Balik-Baril Program sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa bayan ng Midsayap.

Dagdag ni Oranza, patuloy din umano ang kampanya ng kapulisan kontra sa mga private-armed groups at ang kanilang “Tugro-Pusil” Program bilang suporta sa Balik-Baril Program ng pamahalaan.

Kung matatandaan, 2018 nang ginanap ang unang Balik-Baril activity na idinaos sa Headquarters ng 34th IB sa Barangay Salunayan.