Matagumpay na naisagawa ang week-long 3rd Midsayap Sining Saya bilang pakikiisa sa National Arts Month sa kabila ng mga hamon na dulot ng coronavirus disease o COVID-19 pandemic.

Nakasentro ang selebrasyon ng Midsayap Sining Saya sa temang “Sining Pagyamanin Sa Bayang Masayahin”.

Mula February 22-27 ay ginanap ang iba’t-ibang aktibidad na kinabibilangan ng Sining Saya Virtual Presser, Sining Saya On Air, Sining Saya Digital, Sining Saya Art Talk, Sining Saya Art From the Heart, Sining Saya Presents, Sining Saya Culture Mapping, Sining Saya Sayaw Sayap Unity Dance, at Sining Kabataan: Sharing Arts, Sharing Kindness.

Sa ginawang press conference noong February 22, inihayag ni Vice Mayor Manuel M. Rabara ang buong suporta ng Sangguniang Bayan sa pagsusulong ng legislative actions para sa pangangalaga at promosyon ng sining at kultura dito sa bayan.

Hinikayat din ni Vice Mayor Rabara ang Midsayap Tourism Council na bumuo ng mga oportunidad para sa bawat Midsayapenyo upang palaguin ang sining, kultura at pamana ng bayan ng Midsayap.

Sinabi naman ni Councilor Justine Clio M. Ostique, Chairperson of SB Committee on Trade Industry, Labor Management, Culture and Tourism, na sinusuportahan nito ang institusyunalisasyon ng Midsayap Sining Saya bilang flagship program ng LGU Midsayap sa pagdiriwang ng Buwan ng Mga Sining tuwing Pebrero.

Isusulong naman umano sa Sangguniang Bayan ni Mark Ferven L. Avance, Ex-Officio Member ng SB at SKMF President, ang pagpasa ng ordinansa upang magkaroon ng ‘artists seed fund’ dito sa bayan.

Pinasalamatan naman ni Fersan-Jocel C. Sawit, Tourism Operations Officer II, ang LGU Midsayap sa pamumuno ni Mayor Romeo Arańa, Sangguniang Bayan, Midsayap Culture & Arts Council at iba pang stakeholders sa kanilang suporta sa culture and arts programs na itinataguoud ng Midsayap Tourism.

Ang Midsayap Sining Saya ay ang localized version ng National Arts Month celebration at nakapaloob sa Culture and Arts Plan ng lokal na pamahalaan ng Midsayap.

“Alab Sining, Alay Sigla” naman ang tema ng selebrasyon ng Pambansang Buwan ng Mga Sining sa pangunguna ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).