Itinataguyod ng Lokal na Pamahalaan ng Midsayap ang Gender and Development (GAD) mainstreaming sa gitna ng hamon ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Idinaos kamakailan ang Training on Gender-Based Sexual Harassment in Streets, Public Spaces, Online, Workplaces and Educational Institutions kaugnay sa Safe Spaces Act of 2019 (RA 11313) o ang “Bawal Bastos Law” para sa mga traffic enforcer sa ilalim ng Transportation and Traffic Management Section (TTMS) ng LGU Midsayap.

Abot sa 50 mga kawani ng TTMS ang nakadalo sa nasabing pagsasanay na inorganisa ng GAD Focal Point System ng LGU Midsayap na ginanap sa Social Hall, 3rd Floor ng Legislative Building, Midsayap, Cotabato.

Nagsilbing resource person ng nabanggit na training si Atty. Ben Taib M. Pakil, Chief Labor and Employment Officer ng Public Employment Services Office ng LGU Midsayap. 

Kung matatandaan, sumailalim na rin sa kaparehong training on Safe Spaces Act of 2019 ang mga kasapi ng Midsayap Police Station at ang mga miyembro ng LGU Midsayap GAD Technical Working Group (TWG).

Ayon kay GAD Focal Person Mila C. Bayog, ang mga pagsasanay na ito ay bahagi ng mga hakbang ng GAD Focal Point System na pinamumunian ni Mayor Romeo D. Arańa upang maipaalam sa mga kawani at GAD partners ang nilalaman ng Safe Spaces Act of 2019.

Dagdag ni Bayog, sinisikap din umano ngayon ng GAD TWG na muling buhayin ang sining ng paghahabi o ‘loom weaving’ sa mga kabababaihan at kabataan kung saan ilulunsad umano ang trainings on weaving local textiles tulad ng ‘inaul’ at ‘tinukib’.

Inihayag ni Vice Mayor Manuel M. Rabara na mahalaga ang tamang pagbibigay ng impormasyon at trainings para sa GAD Partners ng LGU Midsayap upang mas mapaintindi pa sa mga mamamayan ang mga national law at local ordinances kaugnay sa gender and development kaya buo umano ang suporta ng Sanggunian sa mga aktibidad na ito ng GAD Focal Point System (GFPS) na pinamumununan ni Mayor Romeo D. Arańa.

Naghayag din ng suporta si Konsehal Chelin Monica J. Arańa, Chairperson ng SB Committee on Gender and Development & Family, sa mga programa, proyekto, at aktibidad na ginagawa ng GFPS ng LGU Midsayap.

Aniya, mahalaga umanong naipagpapatuloy ang gender and development initiatives upang mas magpatuloy pa ang pag-unlad ng sektor ng kababaihan sa bayan ng Midsayap.

Tinitiyak naman ng mga nagtataguyod ng aktibidad na nasusunod ang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng corona virus disease.