Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Bayan ng Midsayap ang panukalang ordinansa na magtatatag sa Sports Excellence Rewards Program ng Lokal na Pamahalaan ng Midsayap.

Inakda ito ni Mark Ferven Avance, Presidente ng SK Municipal Federation at Ex-Officio Member ng Sangguniang Bayan at naipasa sa ika-68 Regular Session ng SB Midsayap noong November 3, 2020. 

Sa pamamagitan ng nasabing ordinansa ay magkakaroon ng reward system para sa manlalarong Midsayapeńo, trainers at coaches na nagbigay ng karangalan para sa Bayan ng Midsayap sa provincial, regional, national at international tournaments. 

Makakatanggap din ang mga benepisyaryo ng cash reward na katumbas ng medalyang nakamit sa iba’t-ibang palaro tulad ng Palarong Panlalawigan, SRAA Meet, Batang Pinoy Regional and National Games, Palarong Pambansa, PRISAA Regional and National Meets, SM NBTC Regional and National Championships, Samahang Basketbol ng Pilipinas Regional and National Level, at international competitions na hindi bababa sa sampo ang bansang kalahok. 

“Ang pagkakapasa ng ordinansang ito ay itinuturing nating tagumpay ng Kabataang Midsayapeńo. Magsilbi sana itong inspirasyon sa bawat kabataan ng ating bayan upang magpursige sa kanilang napiling sporting event”, pahayag ni Avance.

Kung matatandaan, ang Sports Rewards Excellence Program ay isa sa mga pangunahing batas pambayan na nais maipasa ng Sangguniang Bayan alinsunod na rin sa Legislative Agenda 2019-2022. 

Inaprubahan naman ni Midsayap Mayor Romeo D. Arańa ang nabanggit na ordinansa noong November 6, 2020. 

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Konsehal Avance kina Mayor Arańa, Vice Mayor Manuel Rabara, SB members at youth development partners and stakeholders sa suporta upang maaprubahan ang ordinansang ito. 

Pangungunahan naman ng Office of the Mayor ang pagbuo ng Implementing Rules and Regulations para sa bagong ordinansang ito.