Nakipagpulong si Presidential Communication Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar sa Sangguniang Kabataan Officials ng Lalawigan ng Cotabato at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Agosto 26, 2020 na idinaos sa Lungsod ng Cotabato.

Sinabi ni Sec. Andanar na malaki ang maitutulong ng kabataan sa gitna ng laban sa pandemya dulot ng coronavirus disease o COVID-19. 

Pinaalalahanan din ni Sec. Andanar ang SK Leaders sa kanilang mahalagang tungkulin upang labanan ang pagkalat ng fake news. 

Samantala, ibinahagi naman ng SK Officials ang kanilang mga hakbang na ginawa upang tugunan ang epekto ng coronavirus disease sa kanilang mga komunidad. 

Sa nasabing pagpupulong kasama si Sec. Andanar ay inilahad ni Mark Ferven Avance, SKMF President ng Midsayap, Cotabato, na naging aktibo ang SK Officials at youth volunteers sa Midsayap sa tawag ng serbisyo sa pamamagitan ng paggawa ng Do-It-Yourself (DIY) face mask at face shields na ipinamahagi sa mga frontliners sa bayan ng Midsayap.

Inihayag din ni Avance na nakatakdang magsumite ng panukala sa SK Provincial Federation ng Cotabato na naglalayong hikayatin ang kabataang lider sa bawat bayan na makiisa sa pagpapakalat ng tamang impormasyon at labanan ang fake news sa kani-kanilang mga lugar.  

Mahalaga umano ang responsableng paggamit sa social media at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na himpilan ng radyo upang maiparating sa mamamayan ang tamang impormasyon at mga proyekto at programang hatid ng pamahalaan para sa taumbayan.