Sa idinaos na ika-58 na Nakasanayang Pagpupulong ng Sangguniang Bayan ng Midsayap noong Agosto 25, 2020, nagpasa ang konseho ng mga resolusyon na humihiling sa mga otoridad na maglagay ng Closed-Circuit Television (CCTV) Camera at checkpoints sa mga high risk area dito sa bayan.

Nakasaad sa Kapasiyahan Blg. 2020-159 na inakda ni Konsehal James Llaban, Jr. na humihiling kay Midsayap Mayor Romeo D. Arańa kasama ang PNP Midsayap at BFP Midsayap na malagyan ng mga CCTV camera ang mga sumusunod na lugar:

  1. Crossing Poblacion 7 at Bual Sur
  2. Crossing Agriculture at Central Glad

Kung matatandaan ay taong 2017 pa nang ipinasa ng SB Midsayap ang Municipal Ordinance No. 342 o ang “CCTV Ordinance of the Municipality of Midsayap” na nagtatakda sa mga business establishment na magkabit ng CCTV Camera. Itinatakda rin ng nasabing ordinansa na malagayan ng CCTV Camera ang high risk areas bilang mekanismo sa paglaban asa banta ng kaguluhan sa bayan. 

Samantala, sa pamamagitan ng Kapasiyahan Blg. 2020-160 na inakda ni Konsehal Maria Belen Sabio,  inirekomenda naman ng konseho na hilingin sa Midsayap Peace and Order Council (MPOC) na maglagay ng checkpoints sa mga sumusunod na lugar:

  1. Crossing Bual
  2. Central Glad
  3. Boundary ng Central Glad
  4. Lower Glad
  5. Agriculture

Ayon kay Midsayap Vice Mayor Manuel Rabara,DDM, ang ipinasang legislative actions ay bahagi ng pagsisikap ng Sangguniang Bayan na makagawa ng mga hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Bayan ng Midsayap.