Nagsagawa ng pagsasanay sa pottery-making ang Gender and Development (GAD) Multisectoral Sector ng Midsayap na idinaos noong July 24-25 sa Municipal Nursery, Barangay Agriculture dito sa bayan. 

Linahukan ito ng abot sa 40 kababaihan mula sa sa Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) at Federation of Solo Parents Association ng Midsayap. 

Ayon kay Ms. Mila Bayog, SB Secretary at GAD Focal Person ng Midsayap, ang pagsasanay na ito ay bahagi ng mga programa sa ilalim ng GAD Plan and Budget ng Midsayap LGU para sa taong 2020. 

Dagdag ni Bayog, sinisikap ng Midsayap LGU sa pamamagitan ng GAD Focal Point System (GFPS) at GAD Technical Working Group ang implementasyon ng mga programa para sa kababaihan sa gitna ng pandemya na dulot ng coronavirus disease. 

Aktibo ring sumali sa nabanggit na skills training si Municipal Councilor Chelin Monica J. Arańa, Chairperson ng SB Committee on Gender and Family. 

Hinikayat ng lady councilor ang mga lumahok na kababaihan na gamitin ang natutunang kaalaman upang makatulong sa kanilang pamilya at magkaroon ng dagdag na pagkakakitaan sa gitna ng hamon ng community quarantine na ipinapatupad dito sa bayan. 

Matatandaang sa gitna ng umiiral na community quarantine ay naging aktibo ang mga Midsayapeńo sa pagtatanim ng mga halaman at home-based gardening na nagresulta sa pagtaas ng demand sa mga paso o garden pots.