Nagsimula nang mamahagi ng tulong ang Lokal na Pamahalaan ng Midsayap sa pamumuno ni Mayor Romeo Arańa para sa mga frontliners sa barangay sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (CoViD-19) Pandemic. 

Bilang Responsible Officers ng Emergency Operation Center (EOC) ng LGU Midsayap, pinangunahan ng mga kasapi ng Sangguniang Bayan ang pamamahagi ng tulong para frontliners sa mga barangay na nasasakop ng kanilang district assignments. 

Noong Biyernes, April 17, ipinaabot ni Konsehal Chelin Monica J. Arańa ang bigas at essential goods para sa 495 marginalized families and peacekeepers ng Distrito IV na kinabibilangan ng mga barangay ng Lower Katingawan, Central Katingawan, Lagumbingan, Bagumba, Damatulan, Kadingilan at Poblacion 4. 

Ipinarating naman noong Sabado, April 18, ni Konsehal Edgar Ostique, Jr., ang tulong para sa 183 frontliners sa mga barangay ng Ilbocean, Malamote, Anonang, Poblacion 6, at Villarica, na nasasakop ng Distrito VI.   

Sa Distrito VII na kinabibilangan ng Poblacion 7, Kimagango, Upper Bulanan, Milaya, at Arizona, ipinaabot naman ni Konsehal Maria Belen Sabio noong Linggo, April 19, ang tulong para sa 197 frontliners ng mga nasabing barangay. 

Nasa 200 frontliners din ang nabigyan ng tulong sa mga barangay ng Patindeguen, San Isidro, Upper Labas, Nalin at Poblacion 5 na nasasakop ng Distrito V na ipinaabot naman ni Konsehal Vivencio Deomampo, Jr. nitong Lunes, April 20.

Noong Miyerkules, April 22, ipinaabot naman ni Konsehal James Llaban, Jr. ang tulong sa 271 frontliners sa mga barangay ng Upper Glad I, Upper Glad II, Central Bulanan, Baliki, San Pedro, Macasendeg, at Poblacion 1 na nasasakop ng Distrito I.

160 Frontliners naman sa Distrito III na kinabibilangan ng mga barangay ng Bual Sur, Bual Norte, Palongoguen, Central Glad, at Poblacion 3 ang nahatiran ng tulong noong April 22 sa pamamagitan ni Konsehal Joselito Papelera. 

Abot naman sa 264 frontliners ang nahatiran ng tulong sa Distrito II na kinabibilangan ng Lower Glad, Rangaban, Nes, Agriculture, Salunayan, Tumbras, Tugal at Poblacion 2 sa pamamagitan ni Konsehal Justine Clio Ostique. 

Kabilang sa mga frontliners na nakatanggap ng tulong mula sa LGU Midsayap ay mga barangay tanod, Barangay Health Workers (BHWs), Day Care Workers (DCWs), Barangay Nutrition Scholar (BNS), mga kasapi ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERTs), at iba pang volunteers sa barangay na lumalaban sa CoVid-19 pandemic. 

Samantala, pinangunahan naman ni Vice Mayor Rabara ang pamamahagi ng dagdag na tulong mula sa LGU Midsayap para sa mga frontliners sa barangay. Nitong April 23, inikot ng opisyal ang abot sa 40 barangay ng Midsayap upang ipaabot ang tig-kalahating sako ng bigas, preskong isda at essential goods na pandagdag sa mga kakainin ng mga barangay frontliners na araw-gabi ang duty sa mga checkpoints at barangay halls.  

Nakatakda namang mamahagi ng karagdagang tulong ang LGU Midsayap sa mga Midsayapeńo na hindi nakasali sa Social Amelioration Program (SAP) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

Ayon kay Vice Mayor Rabara, pasado na ang Ordinance No. 439 o Supplemental Budget No. 01 for CY 2020 ng LGU Midsayap kung saan nakapaloob ang dagdag na tulong para sa mga hindi nakasali sa SAP ng DSWD. 

Magmumula umano sa ‘Bayanihan Grant’ sa ilalim ng RA 11469 o Bayanihan to Heal as One Act ang pondo para dito, dagdag ni Vice Mayor Rabara.