Pang-unawa ang hiling ngayon ng mga opisyal ng barangay sa bawat Midsayapeńo kaugnay sa pagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP) sa Midsayap.

Ito ay sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng implementasyon ng SAP partikular na sa pagtukoy ng mga benepisyaryo. 

Sa 38th Regular Session ng Sangguniang Bayan ng Midsayap noong April 7, 2020, inihayag ni Konsehal Alan Ry D. Mostrales, Presidente ng Liga ng Mga Barangay sa Midsayap, na kailangang maintindihan ng mga Midsayapeńo na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tutukoy sa mga makatatanggap ng SAP. 

“Hindi pa ito na-distribute, issue na ito. So, I will stand by the position of the National Government that it is the DSWD who will identify the genuine beneficiaries, not us. We have only the recommendatory power on who will be those possible beneficiaries. Please, let’s be clear here”, pahayag ni Konsehal Mostrales. 

Tutulong naman umano ang mga opisyal ng barangay sa gagawing validation ng DSWD sa mga isinumiteng Social Amelioration Cards (SAC) Forms ayon kay Konsehal Mostrales.

“Alam naman natin na it’s impossible na lahat ng household mabigyan. Kaya nga may nilagay na guidelines kasi doon ang salaan at ang magsa-sala kung sino ang makapasok at hindi, sino ang genuine beneficiary, sino ang true beneficiary is the DSWD not the barangay captain. But we will be helping on the recommendation but the last say is the DSWD not even the MSWD”, dagdag na pahayag ni Konsehal Mostrales. 

Binigyang-diin din ni Konsehal Mostrales na wala sa mga kamay nila bilang punong barangay ang desisyon sa pagtukoy ng makakatanggap ng ayuda mula sa SAP. 

“We will give the list to the DSWD not to the MSWDO so that the people in our barangay will know na lahat sila gusto sana naming bigyan pero the last say will be on the hands of the DSWD not on the hands of the barangay captains or barangay officialsmagrecommend lang po kami through the MSWD papunta sa DSWD and the last say is the DSWD”, ayon kay Konsehal Mostrales. 

Noong April 14, 2020 sa idinaos na 39th Regular Session ng Sangguniang Bayan, hiniling din ni Vice Mayor Manuel Rabara ang suporta ng Department of the Interior and Local Government (DILG)- Midsayap na tulungan ang mga lider ng barangay upang maipaliwanag sa mga Midsayapeńo ang guidelines na basehan ng DSWD sa pagtukoy ng SAP beneficiaries.

Ito rin ang hiling ni Konsehal Mostrales kay Sadria Paglala, Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO), dahil naniniwala itong ang opisyal ang ‘most credible person’ na mabigay ng opisyal na pahayag kaugnay sa SAP. 

Bilang tugon, imumungkahi umano ni MLGOO Paglala kay Mayor Romeo Arańa na magsagawa ng press conference para ipaliwanag sa mga Midsayapeńo ang naging proseso sa pagtukoy ng SAP beneficiaries sa Midsayap. 

Sa kasalukuyan, narito na sa bayan ang mga kinatawan ng DSWD Regional Office XII upang magsagawa ng validation.